Kilig Moment (1995)
Kilig Moment (1995)
Kaya, ayun, sabay tayong nagsabi
ng "Hello." Sabay lingon. Nagkita
ang mga mata. Maraming nakatitig.
Kahit na. Tayo lang ang nasa
mundo. Peksman. Maliban sa mga
langgam sa paanan ko. May
nagsusumpit ng sago. Wala 'yun.
Kunyari, niyebe ito. May payong ako.
Lalapit ka. Lalayo. Titingin
sa paligid. Wala tayong makikita
kundi puti, at sisilong ka. Maginaw
ang Marso. May sisigaw ng "Yihee"
mula sa kalangitan ng ikalawang
palapag. Wala tayong maririnig
kund mga kuliglig, mga anghel
sa paligid. Hindi "kunyari" ito.
Ayan na ang kamay mo. Ayan
na. Heto na sila. May mga bitbit
na camera. Pinagtatabi tayo. Kunyari,
wala sila. Nakatitig lang tayo
sa malayo. Nasaan ang kamay mo?
Tinatawag tayo. Wala akong marinig
kundi ang puso ko. Nasa malayo
ka na, pero hindi ko pa alam 'yun.
Kunyari, may payong ako. May niyebe.
Kahit ulan, sige, ayos na. May sumisigaw
ng "Yihee." Three-point shooter ako. Escort
ng section mo. Madadapa ako. Mababasag
ang salamin ko. Wala na akong makikita
kundi roon at noon.

Comments