Iskrabol
Una, random ang mga letra:
walang kaayos-ayos, payak
na magulo. Tapos, pikit-matang
pipili ang ating mga kamay.
Maghahanap ng kaayusan --
o kahit isang salita man lang --
na nagtatago sa isang sulok,
naghihintay na pakawalan
ng mga letrang pikit-matang pinili.
Mauuna kang titira. Ito
ang pinakamadaling sundan:
walang hirap ang paghahanap
ng pagsisingitan ng salita. Tapos,
ikaw ulit, tapos, ako, at walang
tigil hanggang maubos na
ang nasa lalagyan. Susubukan kong
huwag magpahiya -- lalo na't
nakilala mo ako bilang magaling
sa mga salita -- pero wala
akong makita sa mga letra
kundi ang iyong pangalan. Kahit na
walang "C" sa mga nakahilera
sa aking harapan. Kahit na
ang lahat ng nabubunot ko
ay walang kinalaman sa atin.
Kahit na gulo-gulo ang mga letrang
random din, katulad ng mga salitang
itinutulak ng mga daliri natin
sa kung saan-saan. Hindi kita matalo-
matalo. Masuwerte ka't ang daling
gawan ng salita ang iyong nakukuha,
kaysa naman sa akin, na kung saan
nakatatatak ng iyong mukha.
kay Cindy

Comments